Friday, October 03, 2008

Bulawan Online 3rd Issue

From the inbox:

Lumabas na po ang ikatlong isyu ng Bulawan Online, tampok ang mga tula, maikling kuwento, pagsusuri, at panayam nina April Jade Imson, Joseph de Luna Saguid, Roberto T. Añonuevo, Romulo P. Baquiran Jr., Michael M. Coroza, at Virgilio S. Almario.

Magpunta lamang po sa www.bulawanonline.com.

Mula sa mga editor:

ISYU BLG. 3, TOMO 1. Ipinagmamalaking ilathala ng Bulawan Online sa isyung ito ang katangi-tanging mga akdang pampanitikan sa mga buwan ng Oktubre-Nobyembre 2008.

Mga sipi mula sa mga akda:

Gunita bilang Liksiyon sa tula ni Joseph de Luna Saguid, pagbása ni Roberto T. Añonuevo sa tula ni Joseph de Luna Saguid:

"[I]pinahihiwatig lamang ng tulang "Tanawin" ang isang tagpong kapupulutan ng karanasan—mabuti man o masama—at ang karanasang ito ay malimit kadikit ng gunita. Ang gunitang ipinapataw ng nakaraan ang dapat sinusuri nang maigi, dahil gaya ng nabanggit kangina, ang nakaraan ay hindi estatiko bagkus patuloy na umaandar na parang pelikula at walang makatitiyak ng wakas."

Si Karding sa Gimokudan: Pagkain o Buhay?, pagbása ni Romulo P. Baquiran, Jr. sa kuwentong pambata ni April Jade Imson:

"Palagiang impetus sa kuwentong pambata ang halagahang itinuturing na birtud para sa mga kabataang mambabasa nito. Hindi nagkukulang ang "Si Karding at Ang Buwaya" sa bagay na ito. Pangunahing halagahan sa kuwento ang pangangalaga sa biyaya ng kalikasan para sa kabataan. Hindi maiiwasan ang pagkadidaktiko sa paghahayag ng mga isyung moralistiko sa mga kuwentong may seryosong aralin. Pero inilangkap ito ni Imson sa sitwasyon at komunidad ni Karding at hinayaang ang konteksto ang magtulak sa desisyong gagawin ng bida sa harap ng mabigat na isyu."

Teksbuking: Isang Mapanuri, Mapaghamon, at Napapanahong Bagong Textbuk Kuno ng Noli at Fili, pagsusuri ni Michael M. Coroza:

"Ang maraming textbuk ngayon na lathala ng malalaking pabliser ay kaduda-dudang mga salin. Una, hindi matiyak kung marunong ngang magbasa ng Kastila ang mga gumawa o ang isinalin lamang nila ay ang mga salin sa Ingles nina Charles Derbyshire, Leon Ma. Guerrero, o Trinidad Locsin. Puwede pa ngang hinalain na ang pagpapaikli lamang ng mga salin nina Mariano, Regalado, o maging ng kay de Guzman ang ginagawa ng mga kunwang awtor ng mga textbuk na ito. Halimbawa ng ganito ang tutunghayan nating aklat ng Noli at Fili na nalathala noon lamang 2006."

Isang Pagdulog sa Rebisyon ng Tula, panayam ni Roberto T. Añonuevo:

"Sa madali't salita, hindi simple ang magrebisa.

Sa sandaling ito, hayaan ninyo akong magbiggay ng ilang punto hinggil sa paraan ng "pagpapakinis" ng tula. Ang sumusunod ay hinango ko sa aking karanasan bilang makata, at siyang naobserbahan ko rin sa iba pang kaibigang makata habang bumubuo ng "mga pambihirang tula." Maihahakang hindi nito masasagot ang lahat ng pangangailangan sa pagrerebisa ng tula, ngunit maaari namang maging patnubay sa sinumang ibig sumulat ng tula."

Ibangon ang Dangal ng Lahi, panayam ni Virgilio S. Almario:

"Ang buong pagbabago sa katauhan ng Filipino ay nakatuon sa pagbabalik ng dangal—ng wastong paggalang sa sarili at mataas na pagkilala sa katutubong kakayahang mabuhay mag-isa at umunlad. Ngunit ang ang pananalig sa sariling dangal ay may kaakibat na diwa ng kagitingan. Hindi ito gawaing nag-iisa ng bawat indibidwal. Gawain itong dapat lahukan ng bawat mamamayan at magkakatulong. Gawain itong sinusukat, sa wakas, alinsunod sa idinudulot nitong benepisyo o paglilingkod sa kapakanan ng bayan at ng buong sambayanan."

Nilalamin din ng bagong isyu ang mga bahaging:

  • Mula sa Inyo — "Masasabi niyo po bang malaki (o lumalaki) ang interes ng mga tao sa panitikang Filipino?"
  • Rio Almanac — Alamin kung sino sa mga pinagpipitaganang manunulat at makata ng Filipinas ang isinilang sa Oktubre at Nobyembre.
  • Buklatan – Mga bagong aklat na pampanitikan o sa panitikan.

--
Phillip Y. Kimpo Jr.
pykimpo@gmail.com

Writer, Editor, Website Manager, Website Publisher
Staffer, BulawanOnline.com (Filipino literary journal)
Batch 2006, BS Computer Science, University of the Philippines at Diliman

http://corsarius.net | http://phillip.kimpo.ph | http://thecorsarius.multiply.com

Vae victis.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home