Ikalimang Isyu ng Bulawan Online / Bulawan Online 5th Issue
Magandang araw!
Lumabas na po ang ikalimang isyu ng Bulawan Online, tampok ang mga tula, sanaysay, pagsusuri, at panayam nina Roberto T. Añonuevo, Romulo P. Baquiran Jr., V.E. Carmelo D. Nadera Jr., at Virgilio S. Almario.
Magpunta lamang po sa www.bulawanonline.com.
Patuloy naming hinihikayat ang mga batikan at nagsisimulang makata at manunulat na magpasa ng kanilang mga akda sa lathalaan. Nais naming magtampok ng mas maraming akda sa dalawang susunod na isyu ng BUL-OL bilang pagdiriwang sa nalalapit na unang anibersaryo ng magasin sa Hunyo.
Mula sa mga editor:
--ISYU BLG. 5. Ipinagmamalaking ilathala ng Bulawan Online sa isyung ito ang katangi-tanging mga akdang pampanitikan sa mga buwan ng Pebrero-Marso 2009.
Tampok din sa isyung ito ang retrato ni Phillip Kimpo Jr., ang The Spring of Spring / Unang Sibol (Manaoag, Pangasinan).
Mga sipi mula sa mga akda:
Pag-Ibig, tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo:
“Tagak sa gitna ng putikan ang maglalaro sa iyong guniguni. Lilipad ang ibon at darapo sa iyong balikat. Mapuputikan ang iyong balikat, at ang iyong balikat ay waring likod ng matandang kalabaw na nalulungkot dahil nawawala ang kaibigang kalakian.”
Lipat Ospital, sanaysay ni Romulo P. Baquiran Jr.:
“Sa matino ba ako inilipat? Bakit puro may tattoo ang mga katabi kong pasyente? Hmm. Napasok ako sa ward ng mga kasangkot sa gang. Susme, mga literary gang lang ang alam ko. Sabi agad ni Manong sa katabing kama na itago ang maganda kong cellphone at baka agawin. Sa loob ng ospital? Okey, inilagay ko sa bulsa ang phone.”
Ang Kapalaran ng Kapalaran Ayon Kay Khavn de la Cruz, pagsusuri ni V.E. Carmelo D. Nadera Jr.:
“May kalaparan ang kapalaran ni Khavn. At nanganganib nga lamang siya na maging kalat ang kanyang pagkalat, kung hindi man sabog ang kanyang pagsabog, sa kanyang mga kapangyarihan bilang artista o artiste!”
Pormula ng Romansa sa Dulang Pantelebisyon, pagsusuri ni Roberto T. Añonuevo:
“Walang pinagbago ang pormula ng romansa sa dulang pantelebisyon, lalo sa dalawang pangunahing network. Inuulit-ulit lamang sa panibagong disenyo, usapan, at artista ang lahat ng kumbensiyonal na kuwento, ngunit ang esensiya ng salaysay ay nananatiling panahon pa ng kopong-kopong.”
Katahimikan, Pagnanasa at Etika ng Babae sa ”Ang Mundong Ito ay Lupa”, pagsusuri ni Romulo P. Baquiran Jr.:
“Sa isa sa pinakahuling nobela ni Edgardo M. Reyes—Ang Mundong Ito ay Lupa—may mga puwang sa salaysay na puwedeng sinadyang ginawang gayon upang hayaan ang mambabasa na siyang maglagay ng interpretasyon. Magsisilang ito ng mga katanungan at pagpapakahulugan na puwedeng nasa mismong nobela ang kasagutan. Ngunit posible ring nasa mambabasa na ang desisyon (sa pagsulat ng akda, tapos na ang trabaho ng nobelista) kung alin ang mas angkop na pagbuo ng kahulugan.”
Saan Ba Nagmula ang Panitikan?, panayam ni Virgilio S. Almario:
“Sa katà nagmula ang makatà—ma+katà, ang ibig sabihin, “marami o mahusay sa katà.” Dito natin mauugat ang popular na haka sa makata bilang sinungaling (“manlulubid ng buhangin,” “manunungkit ng bituin”) kung hindi man mapangarapin (“lumilipad ang isip.” “laging nakatuntong sa ulap,” “lumilikha ng wala”). Sa isang bandá, isang sumpa ito sa mga mambebersong bolero at matamis ang dila at ginagamit lamang ang tula upang mang-aliw ng madla o mang-akit at manlinlang ng dalaga.”
Nilalaman din ng bagong isyu ang mga bahaging:
- Mula sa Inyo — “Nabasa ko po…ang mga panukalang batas na magpapatibay sa Ingles bilang wikang panturo sa paaralan…Nakikipag-usap po ba ang mga [kapisanan ng mga manunulat] sa ating mga mambababatas upang mahimok silang tangkilikin o, kahit man lang, kilalanin ang potensyal ng Filipino bilang wikang pangkomersyal at akademiko?”
- Rio Almanac — Alamin kung sino sa mga pinagpipitaganang manunulat at makata ng Filipinas ang isinilang sa Pebrero at Marso.
- Buklatan – Mga bagong aklat na pampanitikan o sa panitikan.
Phillip Y. Kimpo Jr.
pykimpo(at)gmail(dot)com
Writer, Editor, Website Manager, Website Publisher
President, LIRA (Filipino poetry group)
Member, Writers Union of the Philippines
Staffer, BulawanOnline.com (Filipino literary journal)
Batch 2006, BS Computer Science, University of the Philippines at Diliman
0 Comments:
Post a Comment
<< Home